(Homily delivered by His Eminence Gaudencio B. Cardinal Rosales during the Mass at the Prayer Rally “Filipinos! Unite Under God” at the Quirino Grandstand, Luneta, on March 25,2011, Feast of the Annunciation and Day of the Unborn Child, at 7 p.m.)
Nagsalita ang Panginoong Diyos kay Moises at sa mga sumasampalataya sa kanya nang ganito: “Tatawagin ko ang langit at lupa na sumaksi laban sa inyo. ‘Ihahain ko sa inyo ay buhay o kamatayan, ang pagpapala o ang sumpa. Piliin na ninyo ang buhay, nang sa gayo’y kayo at ang inyong salin-lahi ay mabuhay sa pagibig ng Panginoong inyong Diyos, tumatalima at nananatili sa Kanya.” (Deuteronomio 30:19).
Simulan natin ang pagninilay sa prinsipyo na ang buhay ay ang pinakamahalagang biyaya na kaloob ng Panginoong Diyos sa sinumang tao. Ito ang matinding paniniwala at turo ng Simbahang Katoliko na ang buhay ng tao, kahima’t mahina or nagdurusa ay palaging isang pinakamalaking biyaya ng kabutihan ng Diyos (Familiaris Consortio, n. 30).
Kapag hindi ninyo pinahalagahan ang buhay na iyan sa alinman o saan mang yugto ng buhay ng tao (sanggol, foetus, matanda, malakas o mahina), hinding-hindi igagalang ang buhay ng sinuman --- at diyan kapag wala ng halaga o walang pagpapahalaga, wala ng magtatanggol sa buhay, dadayain ang buhay na yan, aapihin, kikidnapin na, pagsisinungalingan na, pagnanakawan na ang buhay na ‘yan ng tao!
Kanya napaka-ganda ang pagtuturo ng Simbahan --- alagaan, ipagtanggol at itaguyod ang buhay. Huwag hahadlangan ng anuman sandata o anumang artipisyal na paraan ang buhay. Ang paglalapastangan sa buhay na iyan, malakas man o mahina, na ating laging, pinapahalagahan ay labag sa kulturang Pilipino tungkol sa buhay ng tao. (Pastoral Letter, CBCP, 30 January 2011).
Ang kahirapan ng tao o kaya’y ang pagdami ng tao ay likas na merong solusyon at ang kasagutan dito ay aral na rin ng Panginoong Hesukristo. Una, ang yaman ng daigdig or kaya’y ang pinagsikapan ng tao ay sapa’t na at sobra pa upang pagsaluhan ng lahat. “Magmahalan kayo” at magdamayan sa ngalan ng pagibig. Ikalawa, mayroong paraan na inilagay ang Panginoong Diyos sa kalikasan ng katawan ng lalaki at babae, na ito ay marapat alamin o pag-aralan upang matiyak ang mga araw kung kalian maaaring madulot ng panibagong buhay sa pagtatalik ang binhi ng lalaki at babae. Sa bawa’t pagtatalik ang mag-asawa ay maaaring maging katuwang ng Panginoong Diyos sa paglikha ng panibagong buhay. (Humanae Vitae, n. 11).
Banal ang buhay ng magasawa at sapagkat ito ay banal ito ay ginagantihan ng Panginoong Diyos ng tuwa at ligaya ang bawa’t pagsasama ng sinuman magasawa, sapagka’t habang buhay nilang ipag-papatuloy ang masidhing pangangalaga hanggang sa ang mga anak ay akayin sa kabutihang asal, banal ring pamumuhay na mayroong pagdamay at paggalang sa kapwa hanggang sa katandaan.
Mayroon naming natural na paraan sa paghahanda sa mahalagang buhay na iyan. At iyan ang tinatawag na NATURAL FAMILY PLANNING. At ito ay kaloob ng Panginoong Diyos sa kalikasan ng bawat tao, lalaki or babae. Alam ng makapangyarihang Panginoong Diyos na darating ang araw na dapat lalung pag-aralan at may pananagutang balakin ang dakilang paghahanda sa buhay na iyan. Kung kaya’t inilagay ng Panginoong Diyos sa kalikasan ng katawan ng tao—lalaki at babae—ang wasto at tiyak na paraan at panahon ng hinog na binhi (ng buhay) para magsilang ng bagong buhay ng tao, lalang, at sa kawangis at kalarawan ng Diyos. (Henesis 1:27).
Sa pag-aaral ng paraan para tiyakin ang mahalaga at banal na mga sandaling ng nahihinog na binhi ng buhay, malalaman ng sinuman ang mga banal na sandaling iyan—at kailangan naman sa mga tiyak na sandal at araw na iyan ang pagtitimpi, pagpigil sa sarili (pagpigil sa pang-gigigil). Yan ang sakripisyo ng tao. Alalaon baga ay kailangan ang mga sandal ng disiplina. Kapag may disiplina sa kama, tiyak na magkakaroon ng disiplina sa kalsada, maging sa pitaka (karta moneda). Dito mapapahalagahan natin ang “values” na itinuturo ng Simbahan.
Banal po mga kapatid ang Gawain ng mag-asawa, kaya naman ginagantihan ng Butihing Diyos ng ligaya at tuwa ang mag-asawa hindi lamang sa pagtatalik, kung hindi hanggang sa mapalaki sa kabutihang asal, kabaitan at akayin sa kabanalan ang kanilang mga anak. Kasama diyan ng magasawa ang Panginoong Diyos. At ang tapat na magasawa ay hindi pinababayaan ng Panginoon.
Banal ang pag-aasawa; banal ang pagtatalik sapagka’t ito ay kalakip ng pagbibigay ng buhay na galling sa Panginoong Diyos. Hindi ito laru-laruan na ituturo sa mga bata sa paggamit ng goma, lobo o condom, para iwasan daw ang sakit? Bakit mga bata ang tuturuan ng ganitong laro? Hindi po ba ang tamang ituro sa kabataan ay ang magandang halimbawa ng matatanda at ang kahalagahan ng buhay, ang kabanalan ng pagpipigil sa sarili na ang tawag ay disiplina? Ang awag po noong una ay kapag may pagpipigil, mayroong disiplina at paggalang at magkakaroon din ng Karakter ang tao. Ngayon ang gusting ipamulat sa kabataan ay ito: gamitin ang goma, maglaro kayo! Ganyan kabarato ang buhay ng tao ngayon.
Salamat at mayroong Simbahan at salamat at mayroong Pananampalataya na nagpapaalaala pa (kahit mayroong ilang mga mambabatas o matatanda na kakaiba ang isip na hindi na mabuting makapangaral, hindi na kayang magpagturo ng magandang asal at batas na magpapabalik pa sa dahan-dahang nawawala at nanghihinang magandang hiyas na ating kabihasnang Pilipino.
At bakit bata pa ay tinuturuan na ang mga anak ng ilang mga matatanda at mambabatas sa pag-iwas sa responsibilidad at ang pagwawalang bahala sa katuwiran at kalinisan? (Sa pangalan daw ng sanidad at kalusugan). Puro maalawang palusot ang gustong ituro sa kabataan ng ilang mambabatas—kanya ganiyan ang magiging bukas ng Pilipinas—mga mamayan na puro palusot, lahat ng padulas ang alam. May peligrong mawawala ang halag (value) ng kristiyano at tunay na Filipino. Ang dapat ituro sa kabataan ay kalinisan ng budhi, kalinisan ng puso, disiplina at pagpipigil sa sarili at paggalang sa hindi sariling pera.
Anong klaseng panukalang batas itong RH Bill na kung maging batas na, at ang itinuro o ipaliwanag ng Simbahan at mga naglilingkod dito ay ang katwiran ng galing sa Bibliya, Pananampalataya at konsensiya ng Kristiyano tungkol sa Buhay at Kalinisan, sa halip na ang turo ay ang RH law, ay maaaring papag-multahin o ibilanggo ang mga ito? Paparusahan pa ang sumusunod sa konsensiya at Pananampalataya. Hindi ito ang Pilipinas! Hindi na tayo babanggit ng anumang bansa, pero hindi ito ang Pilipinas na minahal at pinag-alayan ng buhay ng mga bayani, sampo ng tatlong Pari --- Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora. Sa El Filibusterismo, ang unang pahina ay inihandog ni Jose Rizal sa tatlong pari na iyan. (At ang gusto pang alalahanin ng ilan ay si DAMASO na ito naman ay hindi Pilipino!)
Ito ang paninindigan ng Simbahan:
1. Ang pagmamalasakit sa katatayuan ng maraming mahihirap, lalo na ang mga nagdurusang kababaihan na nagsusumikap upang gumanda ang buhay at kailangan pang mangibang bayan upang kamtin ito o kailangan pang pumasok sa isang hindi disenteng paghahanap-buhay. Nababagabag ang Simbahan diyan.
2. Ang Simbahang Katoliko ay para sa buhay at dapat ipagsanggalang ang buhay ng tao mula sa sandal na ito ay ipaglihi o mabuo hanggang sa natural ng katapusan nito.
3. Naniniwala ang Simbahan sa mapanagutang (responsible) pagsasaayos ng bilang at panahon ng pagsisilang sa pamamagitan ng Natural Family Planning. Dito kailangan ang pagbuo ng matatag na kalooban (character building) na nagtataglay ng sakripisyo, disiplina at paggalang sa dangal ng asawa. Kung wala kang sakripisyo, hindi ka makakabuo ng karakter.
4. Ang sinumang tao ay tagapangasiwa lamang ng kanyang katawan. Ang pananagutan sa ating katawan ay dapat umalinsunod sa kalooban ng Diyos na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng konsensiya (budhi). Kapag hindi pinakinggan at iginalang ang tinig na ‘yan ng Diyos (sa konsensiya), yayanigin at lilindulin, hindi ang bundok at dagat, kung hindi ang budhing ‘yan ng sinumang tao.
5. Aming paninindigan na sa mga pagpili kaugnay ng RH Bill, ang budhi (konsensiya) ay hindi lamang sapat na kabatiran kung hindi higit sa lahat ay ginagabayan ng mga itinuturo ng kanyang pananampalataya.
6. Naniniwala kami sa kalayaan sa relihiyon at sa karapatan ng pagtutol ayon sa budhi (konsensiya) sa mga bagay na labag sa sariling pananampalataya. Ang nakapataw at parusa sa napapaloob sa minumungkahing RH Bill ay dahilan para sa aming pagtutol dito. (Pastoral Letter, CBCP, 30 January 2011).
May panahon pa upang maiwasan ang trahedya moral na idudulot ng RH Bill.
Baguhin ang mga panukalang ‘yan, o ibagsak ang kayang kabuuan ng siyang pugad ng walang paggalang sa buhay, pagkawala ng responsibilidad at disiplina na siyang tunay na kailangan ngayon ng tao at bayan.
Kung ang mga bata ay natuturuan pa ng Simbahan, ang mambabatas ay amin rin pinapaalalahan. Lahat kayo, ngayon at bukas, ay kasama sa aming dalangin.
Pagpalain kayong lahat at ang Bayan ng Poong Maykapal! Mahal tayo ng Diyos at alaga ng Ina ni Hesus!
+G.B.ROSALES
Prayer Rally
Feast of the Annunciation
25 March 2011 |
No comments:
Post a Comment